"I can do everything through him who gives me strength." Phil 4:13

Monday, November 23, 2009

paano nga bang maging isang bayani?

ito yung tanong na umiikot sa isip ko buong araw dahil sa ito ang huling tanong na ibinato ni Efren Penaflorida sa mga tatakbong presidente kagabi (Isang Tanong ng GMA 7). ang dami kong nabasang komento tungkol sa mga sagot at kung paano sinagot ng mga tatakbo ang tanong. hindo ko napanuod ang talakayang iyon pero sa kung babase ako sa komento ng mga tao, mukhang angat si Gilbert "Gibo" Teodoro.

pero itong entry na ito, hindi tungkol sa palabas kagabi. napansin ko lang kasi na karamihan sa mga tao e, komento lang ng komento. e, kung kayo kaya ang tatanungin? PAANO MAGING ISANG BAYANI? anong isasagot nyo?

parang madali di ba? pero hindi. madaling magsalita, mahirap gawin. tanggalin natin yung mahirap, at subukan nating sagutin.

bilang isang kolehiyalang tubong mindanao, mahirap maging bayani. gagawa ka ng maganda, may makakabunggo ka, may maiinggit, delikado buhay mo. nakatatak iyon sa isip ko. pero hindi iyon naging balakid sa kagustuhan kong makatulong. musmos pa lamang ako, malaki na ang pangarap kong makatulong at matawag na isang inspirasyon. nakakatawa mang isipin pero, ganun ako. malaki kung mangarap.

para sa akin, para maging bayani, magsisimula ako sa maliit na bagay. dun naman lahat nagsisimula, di ba? sa taos pusong pagtulong sa kapwa, sa paggamit ng ating talento para maibsan ang kahirapan ng iba; kung anong meron tayo, ibahagi natin. hindi lang sa pagakain, sa gamit kundi pati na rin sa kung anong nalalaman natin. HINDI tsismis! kundi mga inpormasyong makatutulong sa pag usbong ng bansa natin, impormasyong alam nating kakailanganin ng mga tao para mabuhay ng tama. para sa akin, para maging isang bayani, bubutihan ko ang aking pag-aaral at ng maibahagi ko ang aking natutunan sa mga kapus-palad kong mamamayan; at nang magsilbing inspirasyon ako di lang sa mga kapwa kong Mindanawon, kundi sa lahat. upang makita rin nila na hindi kailangang nasa posisyon ka para matawag na isang bayani. hindi kailangan na may pera ka para maging isang bayani. kailangan, dedikasyon, puso at takot sa Diyos.

may sagot nga ako pero hindi pa ako kuntento. mahirap pala talaga. basta ang alam ko, gagawin ko na lang lahat ng makakaya ko para makatulong sa lahat. kahit na sa maliit na bagay lang. kahit na yung tipong mapapangiti ko lang kapwa ko, ok na ako.

kayo, pano nyo sasagutin ang tanong na ito?

PAANO NGA BANG MAGING ISANG BAYANI?

No comments: